--Ads--

Inilibing na kahapon, Pebrero 25, si Miss Earth Philippines 2013 runner-up Lullete Jane Ramilo Dela Cruz, na binaril-patay sa harapan ng kanilang bahay noong ika-13 ng Pebrero.

Kasabay ng kanyang libing, muling nanawagan ng hustisya ang kanyang asawa na si Dr. Clifford Dela Cruz.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Dela Cruz na umaasa siyang makokonsensya ang salarin at kusa itong susuko sa mga awtoridad. Aniya, ang pagkamit ng hustisya ang pangunahing hinihintay ng kanilang pamilya.

Nagpasalamat din siya sa kapulisan sa patuloy na pagtutok sa kaso upang mapabilis ang paglutas nito. Ayon sa kanya, may mga sinusuring lead ang mga awtoridad na posibleng makatulong sa imbestigasyon.

--Ads--

Bagama’t may personal siyang hinalang motibo, sinabi ni Dr. Dela Cruz na hindi niya ito pangungunahan at hinahayaan niyang ang mga imbestigador ang magsagawa ng masusing pagsisiyasat. Patuloy rin ang kanyang pakikipag-ugnayan sa mga pulis na humahawak sa kaso upang mapadali ang pag-usad ng imbestigasyon.

Samantala, nagbigay na rin ng direktiba ang Isabela Anti-Crime Task Force sa PNP San Manuel na paigtingin ang imbestigasyon para sa agarang pagresolba sa naturang kaso.‎