Nakatakdang magbigay ng testimonya si dating Pangulong Bill Clinton sa isang congressional panel ngayong Biyernes kaugnay ng kanyang ugnayan sa yumaong sex offender na si Jeffrey Epstein. Ang pagdinig ay gaganapin nang behind closed doors o pribado, at inaasahang magiging tensyonado dahil sa pagtatanong ng mga kaalyado ni Pangulong Donald Trump mula sa Republican Party.
Ang testimonya ni Bill Clinton ay kasunod ng pagharap ng kanyang asawa, dating Secretary of State Hillary Clinton, na nagsabing wala siyang maalala na nakatagpo si Epstein at wala siyang maibabahagi tungkol sa mga krimen nito.
Si Bill Clinton ay ilang beses na nakasakay sa eroplano ni Epstein noong unang bahagi ng 2000s matapos niyang bumaba sa puwesto. Lumabas din sa mga dokumento ng US Justice Department ang mga larawan niya kasama ang ilang kababaihan na hindi ipinakita ang mga mukha.
Mariin niyang itinanggi ang anumang pagkakasangkot at nagpahayag ng pagsisisi sa naging ugnayan kay Epstein.
Ayon kay Rep. James Comer ng Kentucky, chairman ng panel, hindi inaakusahan ang mga Clinton ng krimen ngunit kailangan nilang sagutin ang mga tanong kaugnay ng posibleng kaugnayan ni Epstein sa kanilang charitable foundation.
Ang mag-asawang Clinton ay pumayag na magbigay ng testimonya matapos bantaan ng House of Representatives na idedeklara silang in contempt of Congress kung patuloy na tatanggi.
Iginiit ng mga Clinton na ang imbestigasyon ay isang partisan act ng mga Republican upang ilihis ang atensyon mula kay Trump.
Nanawagan naman ang mga Democrat na dapat ding ipatawag si Trump, dahil madalas lumilitaw ang kanyang pangalan sa mga Epstein files.
Binanggit ng mga Democrat na ang Justice Department ay umano’y nagtatago ng mga rekord kaugnay ng isang babae na nag-akusa kay Trump ng pang-aabuso noong siya ay menor de edad.
Si Epstein ay namatay sa kulungan noong 2019 habang nahaharap sa kasong sex trafficking. Ang kanyang pagkamatay ay idineklarang suicide.









