Hiniling ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa Office of the Ombudsman na mag-inhibit sa imbestigasyon laban sa kanya kaugnay ng umano’y flood control controversy, dahil sa sinasabing “pattern of prejudgment” na umano’y lumalabag sa kanyang karapatan sa due process.
Sa pahayag ng kanyang opisina nitong Biyernes, nakapaloob ang kahilingang ito sa isang apat na pahinang liham na may petsang Abril 22, 2026, na inihain ng kanyang mga abogado mula sa Villaraza & Angangco.
Ayon sa kanyang legal team, ang mga naging pahayag umano ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla at ng iba pang opisyal ay nagdulot ng impresyon na tila napagdesisyunan na ang kasong plunder, kahit wala pang pormal na reklamo o isinasagawang preliminary investigation.
Dagdag pa ng mga abogado, may “makatwirang batayan” upang isipin na nakapagpasya na ang Ombudsman na usigin ang kanilang kliyente.
Dahil dito, ibinabato ng kahilingan ang usapin sa pagiging patas at pagiging walang kinikilingan ng Ombudsman sa paunang yugto ng imbestigasyon sa nasabing flood control controversy, na patuloy na sinusuri nitong mga nakaraang linggo.











