--Ads--

Iginiit ng isang grupo ng pampublikong transportasyon sa bansa na ang pagpapatupad ng fuel subsidy ang mas epektibong solusyon sa krisis na dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ariel Lim, convenor ng National Public Transport Coalition (NPTC), sinabi niya na mas nais ng kanilang hanay ang direktang fuel subsidy kaysa sa kasalukuyang sistema ng pamahalaan na pagbibigay ng ayuda.

Ayon kay Lim, mas makabubuti kung ang pamahalaan ay maglalaan ng subsidiya sa krudo upang mapanatiling mababa ang gastos ng mga tsuper sa kanilang araw-araw na pamamasada. Sa ganitong paraan, tiniyak ng kanilang grupo na hindi na kakailanganin pang magtaas ng pamasahe, kaya’t hindi maaapektuhan ang mga mananakay.

Dagdag pa niya, kung maipatutupad ang fuel subsidy, makatutulong din ito upang mapigilan ang pagtaas ng transport cost ng mga produktong dinadala sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na karaniwang ipinapasa sa mga mamimili sa anyo ng mas mataas na presyo ng bilihin.

--Ads--

Ipinaliwanag ni Lim na sa ilalim ng kanilang mungkahi, kahit umabot pa sa P200 ang presyo ng diesel, mananatili sa humigit-kumulang P55 ang aktwal na babayaran ng mga tsuper sa kada litro dahil sasagutin ng pamahalaan ang natitirang halaga na aabot sa P145.

Sa ganitong sistema, aniya, maiiwasan ang sunod-sunod na paggalaw ng presyo ng petrolyo, pamasahe, at mga pangunahing bilihin, na karaniwang nagdudulot ng mas malawak na epekto sa ekonomiya.

Binigyang-diin din ni Lim na ang kasalukuyang pagbibigay ng ayuda ng pamahalaan ay maituturing lamang na “band-aid solution” o pansamantalang lunas, dahil hindi nito natutugunan ang pangmatagalang problema at hindi rin lahat ng nasa sektor ng transportasyon ay nakikinabang.

Babala pa niya, kung magpapatuloy ang ganitong sistema, mapipilitan ang mga transport group na magtaas ng pamasahe, na tiyak na sasalubungin ng pagtutol mula sa mga mananakay. Maaari rin itong magdulot ng panawagan para sa pagtaas ng sahod mula sa mga manggagawa, na maglalagay naman ng panibagong pressure sa mga employer at negosyante na apektado rin ng inflation.

Dahil dito, naniniwala ang grupo na ang fuel subsidy ang mas makatarungan at mas inklusibong solusyon, sapagkat hindi lamang mga tsuper kundi ang buong sambayanang Pilipino ang makikinabang sa mas matatag na presyo ng pamasahe at mga bilihin.