--Ads--

Maaaring tumaas ng hanggang 25% ang gastusin ng Commission on Elections (Comelec) para sa kauna-unahang regular na halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ayon kay Comelec Chairperson George Garcia.

Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Garcia na inaasahan ang pagtaas ng gastos dahil sa pagmahal ng presyo ng langis, lalo na’t dinadala sa pamamagitan ng barko ang mga ballot machine at kanilang mga baterya patungo sa mga lugar sa labas ng Metro Manila.

Ayon kay Garcia, patuloy pa nilang mino-monitor kung gaano kalaki ang magiging dagdag sa gastos. Dagdag pa niya, target ng Comelec na maipadala ang lahat ng kagamitang kakailanganin para sa halalan bago sumapit ang Agosto, bilang paghahanda sa eleksyon sa Setyembre.

Sinabi rin niya na maaaring umabot sa 20% hanggang 25% ang itataas ng gastos sa logistics at mga supply. Dahil dito, posibleng hindi sapat ang kasalukuyang budget ng Comelec.

--Ads--

Samantala, plano ng ahensya na simulan ang pag-imprenta ng mga balota mula Hunyo hanggang Hulyo.Kaugnay nito, kapwa inaprubahan ng Senado at ng House of Representatives ang panukalang batas na maglilipat ng petsa ng halalan sa BARMM.

Senado, naipasa ang Senate Bill No. 1823 sa botong 21-0-0, habang inaprubahan naman ng Kamara ang House Bill 8220 sa botong 247-0-2.

Matatandaang ipinagpaliban ng Comelec ang kauna-unahang Bangsamoro elections noong Enero dahil sa mga “legal at operational” na isyu, kabilang ang pagkaantala ng pagpasa ng redistricting law sa BARMM.

Noong Oktubre 2025, iniutos ng Korte Suprema ang pagpapaliban ng halalan na orihinal na itinakda noong Oktubre 13, at muling inilalaan ang 32 puwesto ng Sulu sa ibang lalawigan ng BARMM. Ito ay matapos magpasya ang Korte Suprema noong 2024 na hindi na bahagi ng BARMM ang Sulu.

Samantala, pinalawig ng Comelec ang deadline para sa pagpaparehistro at akreditasyon ng mga regional political party at parliamentary sectoral organizations na nais lumahok sa halalan. Inilipat ang deadline hanggang Abril 6, 2026, bilang pagsasaalang-alang sa pagdiriwang ng Eid al-Fitr at Holy Week.

Sa usapin naman ng presyo ng langis, ayon sa isang industry source, inaasahang tataas pa ang presyo sa susunod na linggo:

Diesel: dagdag na P16.50 hanggang P17.50 kada litro

Gasolina: dagdag na P7.50 hanggang P8.50 kada litro

Nauna nang inanunsyo ng Department of Energy ang mga pagtaas ng presyo mula Marso 17 hanggang Marso 23:

Diesel: P20.40 hanggang P23.90 kada litro

Gasolina: P12.90 hanggang P16.60 kada litro

Kerosene: P6.90 hanggang P8.90 kada litro.