Nanawagan si newly-elected Senate President Sherwin Gatchalian sa mga senador mula sa mayorya at minorya na muling magkaisa at magtulungan upang maibalik ang layunin at direksyon ng Senado matapos ang ilang linggong pag-iral ng deadlock sa kapulungan.
Sa kanyang talumpati sa espesyal na sesyon ng Senado nitong Miyerkules, nangako si Gatchalian na paglilingkuran ang institusyon at ang sambayanang Pilipino nang may buong paggalang, kasipagan, at katapatan. Nagpasalamat din siya sa kanyang mga kapwa senador sa pagtitiwala at suporta na nagluklok sa kanya bilang pinuno ng Senado.
Samantala, kinilala rin ng ilang miyembro ng bagong minority block ang pagkakahalal ni Gatchalian bilang Senate President. Nagbigay ng pagbati si Senadora Loren Legarda at inilarawan si Gatchalian bilang masipag, dedicated, mahusay, at disiplinadong lingkod-bayan.
Si Legarda ang dating Senate President Pro Tempore bago siya napalitan ni Gatchalian sa sesyon ng Senado noong Hunyo 3.
Ipinahayag naman ni Senadora Imee Marcos na wala siyang pagtutol sa pagbabago ng liderato sa Senado basta’t natugunan ng majority block ang kinakailangang 13 boto para sa eleksiyon ng bagong Senate President. Aniya, ang mahalaga ay nasunod ang mga umiiral na patakaran at probisyon ng Konstitusyon.
Sa ngalan ng minority block, inanunsiyo rin ni Legarda na si Senator Alan Peter Cayetano ang magsisilbing Minority Floor Leader.
Kaugnay ito ng petisyon para sa certiorari na inihain ni Cayetano at walong iba pang senador sa Korte Suprema upang ideklarang walang bisa ang sesyon ng Senado noong Hunyo 3.
Matatandaang nagsagawa ng sesyon ang 12 senador noong Hunyo 3 at idineklarang may quorum batay sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Avelino v. Cuenco. Sa naturang sesyon, ibinoto nilang bakantehin ang lahat ng halal na posisyon sa Senado, kabilang ang pagka-Senate President.
Kasunod nito, nahalal si Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at kinilalang acting Senate President ng mga senador na dumalo sa sesyon.
Noong Miyerkules ng umaga, kinilala rin ni Cayetano na hawak na ng majority block ang sapat na bilang ng boto upang maisakatuparan ang pagbabago sa liderato ng Senado, dahilan upang tanggapin niya ang naging resulta ng halalan para sa Senate President.










