Isinusulong sa Sangguniang Panlungsod ng Cauayan City ang panukalang ordinansa na magtatatag ng Good Governance Program para sa mga Sangguniang Kabataan (SK), kabilang ang performance assessment at incentive system upang masukat at mahikayat ang mahusay na pagtupad sa tungkulin ng mga kabataang opisyal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Paolo Eleazar “Miko” Delmendo, sinabi niyang pangunahing layunin ng panukala na palakasin ang kakayahan ng mga SK officials sa pamamagitan ng mga pagsasanay sa good governance, transparency, accountability at anti-corruption, gayundin sa wastong pangangasiwa sa kanilang mga responsibilidad.
Aniya, hindi lamang pagsasanay ang saklaw ng panukala dahil itinatakda rin nito ang isang sistema ng pagsusuri sa performance ng bawat SK, kung saan maaaring maging batayan ang kanilang compliance sa mga kinakailangang ulat, financial transparency and accountability at legislative performance.
Batay sa magiging resulta ng assessment, maaaring mabigyan ng incentive at recognition ang mga SK na magpapakita ng mahusay na performance at pagsunod sa mga itinakdang pamantayan.
Iginiit ni SP Member Delmendo na kailangang maging objective at transparent ang assessment upang maiwasan ang palakasan sa pagbibigay ng pagkilala. Kabilang sa mga inaasahang magiging bahagi ng pagsusuri ang mga kinauukulang ahensya at tanggapan gaya ng DILG, Commission on Audit, City Disaster Risk Reduction and Management Office at Local Youth Development Office.
Isa sa mga tinalakay sa committee hearing ang paglalaan ng pondo para sa incentive component ng panukala, na nakikitang mahalaga upang mahikayat ang mga SK officials na pagbutihin ang kanilang performance at pagtupad sa kanilang tungkulin.
Hindi pa malinaw sa kasalukuyang panayam kung ang incentive ay magiging financial reward, recognition o iba pang anyo ng pagkilala, kaya kinakailangan pang tukuyin ito sa panukalang ordinansa.
Isinusulong ang panukala kasunod ng mga reklamong natanggap ng Sangguniang Panlungsod kaugnay sa ilang SK, na nag-udyok sa konseho na maglatag ng mas sistematikong mekanismo para sa capacity development, monitoring at performance evaluation ng mga kabataang opisyal.











