Handa na ang Commission on Elections o COMELEC Cauayan City para sa filing ng Certificate of Candidacy o COC para sa Barangay at Sangguniang Kabataan o SK Elections na gaganapin sa Nobyembre 2, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Johanna Vallejo, City Election Officer ng COMELEC Cauayan, sinabi nitong isinasagawa na ang paghahanda para sa filing, kabilang ang pagpi-print ng mga balota at pamamahagi ng QR codes para ma-download ng mga kandidato ang COC at iba pang kinakailangang dokumento. Kabilang sa mga pangunahing requirements ang Certificate of Live Birth at ang bagong sworn declaration on conflict of interest, na kailangang ipa-notaryo.
Ayon kay Atty. Vallejo, kailangang kumpleto ang mga dokumento bago tanggapin ang COC. Personal na magfa-file ang kandidato, maliban kung may kinatawang may Special Power of Attorney. Ang filing period ay walong araw, mula September 28 hanggang October 5, kabilang ang Sabado at Linggo, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, kahit may holiday.
Paalala rin ng COMELEC na tiyaking tama ang edad, voter registration at iba pang impormasyong nakasaad sa COC upang maiwasan ang material misrepresentation. Isang nickname lamang ang maaaring ideklara ng kandidato.
Binigyang-diin din ni Atty. Vallejo ang anti-dynasty provision sa SK, kung saan hindi maaaring tumakbo ang isang kandidato kung mayroon itong kamag-anak hanggang second degree na incumbent elected official.
Samantala, maaari pa ring mag-file ng kandidatura ang isang opisyal na may pending administrative case hangga’t wala pang final conviction mula sa korte. Hiniling din ng COMELEC Cauayan sa mga magfa-file ng COC na huwag magsama ng maraming kasama upang maiwasan ang pagsisiksikan sa loob ng kanilang tanggapan.
Samantala, nilinaw ng Commission on Elections o COMELEC Cauayan na mananatiling tuloy ang Barangay at Sangguniang Kabataan o SK Elections sa November 2, 2026, hangga’t hindi nagiging batas ang panukalang pagpapalawig sa termino ng mga barangay at SK officials.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Johanna Vallejo, City Election Officer ng COMELEC Cauayan, sinabi nitong isang panukalang batas pa lamang ang isinusulong na gawing limang taon ang termino ng mga barangay at SK officials at hindi pa ito awtomatikong maipatutupad.
Ayon kay Atty. Vallejo, kailangan pa itong dumaan sa proseso ng Kongreso bago maging batas. Kapag naipasa at naisabatas ito, saka lamang ito ipatutupad ng COMELEC. Sa ngayon, umiiral pa rin ang batas na nagtatakda ng apat na taong termino ng mga barangay at SK officials.
Dahil dito, tuloy-tuloy ang paghahanda ng COMELEC para sa nakatakdang halalan sa November 2, 2026, kabilang ang filing ng Certificate of Candidacy o COC ng mga nais tumakbo.
Panawagan naman ni Atty. Vallejo sa mga prospective candidates na patuloy na subaybayan ang mga opisyal na anunsyo ng COMELEC kaugnay ng magiging status ng halalan, habang hinihintay ang magiging aksyon ng Kongreso sa naturang panukalang batas.










