--Ads--

Tinukoy ni dismissed policeman Rodulfo Gracioso Jr. sa kanyang affidavit ang umano’y mga pinagkunan ng perang ipinapahatid sa kanya noon ni dating House Speaker Lord Allan Velasco para ibigay sa ilang personalidad, kabilang si Vice President Sara Duterte.

Batay sa ulat, kabilang sa mga pinangalanan ni Gracioso sina dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, mag-asawang contractor na sina Sarah at Curlee Discaya, at Marikina Rep. Miro Quimbo.

Sa kanyang affidavit, sinabi ni Gracioso na nagsilbi siyang security aide ni Velasco at ilang beses umanong inutusan ng kanyang “Boss Allan” na maghatid ng pera sa iba’t ibang pulitiko.

Ayon kay Gracioso, may mga pagkakataong nagmula umano kina Co at Quimbo ang ilan sa mga perang kanyang inihatid noong 2020.

--Ads--

Inihayag din niya na narinig umano niya si Quimbo na nagsabing ang pera ay nagmula sa ilang contractor ng Department of Public Works and Highways o DPWH, kabilang ang mag-asawang Discaya.

Inangkin din ni Gracioso na minsan niyang nakita si Quimbo kasama ang yumaong DPWH Undersecretary Catalina Cabral at nakita rin umano niya si dating DPWH district engineer Henry Alcantara.

Samantala, itinanggi ni Vice President Sara Duterte na kilala niya si Gracioso at tumanggap siya ng pera mula rito.

Mariin ding itinanggi ng kampo ni Velasco ang mga alegasyon laban sa dating House Speaker.

Sa ngayon, hinihintay pa ang pahayag nina Quimbo, Alcantara at ng mag-asawang Discaya kaugnay sa mga paratang ni Gracioso.