--Ads--

Mariing tinutulan ng grupo ng magsasaka ang plano ng pamahalaan na bawasan ang taripa ng imported na mais sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chairman of the Board Leonardo Montemayor ng Federation of Free Farmers, sinabi niya na sa kasalukuyan ay napakababa na ang taripa ng imported corn na nasa 5% na lamang.

Kung babawasan pa aniya ito o tatanggalin ng tuluyan ay lalong mahihirapan ang mga corn farmers dahil sa pinangangambahang pagdami ng imported na mais sa bansa.

Kapag nangyari ito ay magkakaroon ng ₱1.70 kada kilo ng mais na pagkalugi o katumbas ng ₱6,000 na mawawala sa kita ng isang magsasaka kada anihan.

--Ads--

Dahil dito ay maaaring tumigil ang mga corn farmers sa pagtatanim na maaaring magresulta sa 50% drop sa local corn production.

Hindi rin aniya siya kumbinsido sa argumento ng mga business sector na nagmungkahi sa Malacanang ng naturang plano, na ang pagbabawas ng taripa ay magbibigay ng kaginhawaan sa mga meat consumer.

Aniya, batay sa kanilang pagtaya ay wala pang isang bahagdan ang maibabawas nito sa presyo ng manok sa pamilihan.

Iginiit nito na maraming paraan upang mapababa ang presyo ng livestock sa bansa nang hindi kinakilangang bawasan ang taripa. Isa na rito ang pagtulong sa mga hog at poultry raisers na makabili ng mas murang halaga ng farm inputs.