--Ads--

Kinumpirma ng Ilagan City Police Station ang isang insidente ng pagpapatiwakal na naganap sa loob ng isang Mall sa Barangay Baligatan, City of Ilagan, pasado alas-6:40 ng umaga, Agosto 28, 2025.

Ang biktima ay isang 32 taong gulang na lalaki, isang security guard ng naturang mall at residente ng City of Ilagan.

Ayon sa imbestigasyon, dakong alas-7:30 ng umaga ay nakatanggap ng ulat ang pulisya mula sa isang concerned citizen. Sa pagresponde ng mga awtoridad, natagpuan ang biktima na wala nang buhay, may tama ng bala sa ulo, at natagpuan din ang baril na issue sa kanya ng security agency.

Sa pagsusuri ng CCTV, nakita ang biktima na mag-isa, halatang balisa at hindi mapakali. Ibinahagi rin ng kanyang kasamahan na minsan ay nagbiro ito tungkol sa posibilidad ng pagpapakamatay.

--Ads--

Nakipag-ugnayan ang pulisya sa Rescue 1124, City Health Office, at Isabela Forensic Unit para sa imbestigasyon sa lugar ng insidente at postmortem examination. Bagama’t sa paunang pagtataya ay nagpapakita ng kaso ng pagpapatiwakal, patuloy na iniimbestigahan at sinusuri ng pulisya ang lahat ng ebidensya.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na ang biktima ay may personal na problema at financial problem, kabilang ang agarang gastusin sa ospital para sa kanyang anak. Mayroon din siyang iniindang karamdaman at pagkakautang dahil sa online gambling.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Ilagan PNP sa pamilya at mga mahal sa buhay ng nasawing guwardya.