--Ads--

Apat na katao ang nasawi sa magkahiwalay na pagguho ng lupa sa Benguet at Rizal habang patuloy na nararanasan sa bansa ang epekto ng Habagat at ng dating bagyong Maymay na isa na ngayong Low Pressure Area, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa Benguet, gumuho ang bahagi ng isang bundok at tumabon sa isang maliit na kainan kung saan tatlong empleyado ang nasa loob ng kusina. Isa sa kanila ang nailigtas habang dalawa ang idineklarang dead on arrival.

Dalawa pang katao ang nasawi sa hiwalay na insidente ng landslide sa Rizal. Patuloy na nagsasagawa ng search and rescue operations ang mga awtoridad habang inihahanda ang clearing operations at pagbibigay ng tulong sa mga apektadong pamilya.

Ayon sa NDRRMC, patuloy pang sinusuri kung ang mga nasabing insidente ay direktang dulot ng pinagsamang epekto ng dating Bagyong Maymay at ng pinalakas na Habagat, kaya hindi pa ito naisasama sa opisyal na talaan ng mga nasawi.

--Ads--

Bilang paghahanda sa posibleng karagdagang epekto ng masamang panahon, inilagay ng Malacañang sa full alert ang NDRRMC. Mayroon ding nakahandang mahigit ₱1.6 bilyong standby funds, higit 5 milyong family food packs, at iba pang relief supplies para sa mga maaapektuhang lugar.

Nagpatupad din ang pamahalaan ng preemptive evacuation sa mga komunidad na nasa flood-prone, landslide-prone, at mabababang baybaying lugar.

Sa pinakahuling tala ng NDRRMC, 23,946 pamilya o 80,633 indibidwal ang naapektuhan ng Habagat at mga nagdaang bagyo sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Cordillera Administrative Region, Bicol Region, Zamboanga Peninsula, at Bangsamoro Autonomous Region.

Mayroon ding 39 evacuation centers na pansamantalang kumukupkop sa 2,215 pamilya o 6,929 indibidwal na lumikas dahil sa baha, landslide, at iba pang panganib dulot ng masamang panahon.

Nagbabala naman ang PAGASA na nananatiling mataas ang panganib ng pagbaha at pagguho ng lupa sa ilang lugar dahil puspos na ng tubig ang lupa bunsod ng ilang araw na tuloy-tuloy na pag-ulan.