Bumagsak ng 19.8 porsyento ang kabuuang halaga ng domestic trade sa Pilipinas sa unang quarter ng 2026, mula ₱1.02 trilyon noong kaparehong panahon noong nakaraang taon ay bumaba sa ₱820.81 bilyon, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon sa PSA, nakaapekto sa pagbaba ng domestic trade ang tumitinding tensyon sa Middle East na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng langis at kakulangan sa suplay, partikular sa fuel na mahalaga sa transportasyon ng mga produkto sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Pinakamalaki pa rin ang ambag ng road transport sa domestic trade, habang malaki naman ang ibinagsak ng kalakalang dumaraan sa water transport na humila pababa sa kabuuang trade activity.
Bumaba rin ng 35.3 porsyento ang kabuuang volume ng domestic trade, mula 15.72 milyong tonelada noong nakaraang taon sa 10.17 milyong tonelada ngayong taon.











