Halos apat na raang corn farmers sa Cauayan City ang nakatanggap ngayong araw, May 22 ng libreng binhi at abono mula sa Department of Agriculture o DA, partikular ang mga magsasakang hindi nakatanggap noon ng sampung libong pisong ayuda.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dulce Dela Cruz, Assistant Dept. Head 1 ng City Agriculture Office, limang barangay sa lungsod ang kabilang sa makikinabang sa nasabing programa ng DA ngayong araw. Kabilang dito ang mga barangay ng Casalatan, District 1, Baringin, Naganacan, at District 2.
Binanggit din ni Dela Cruz na layunin ng pamamahagi ng farm inputs na matulungan ang mga magsasaka lalo na ang mga hindi nabigyan ng sampung libong pisong ayuda at ang mga magsasakang naapektuhan ng matinding tagtuyot.
Binigyang-diin niya na tanging mga karapat-dapat lamang ang makakatanggap ng libreng binhi at abono kaya isinagawa ang distribusyon mismo sa bodega ng City Agriculture Office at hindi na ibinaba pa sa mga barangay.
Ayon pa sa kanya, layunin nito na maiwasan ang anumang reklamo at aberya at upang masigurong direktang matatanggap ng mga magsasaka ang ayudang para sa kanila nang buo at walang bawas.
Aniya tinatayang mahigit tatlong daan at walumpung farmers ang mabibigyan ngayong araw.
Ipinaliwanag din niya na mas mainam nang direkta sa tanggapan isagawa ang distribusyon upang maging mas transparent ang pamamahagi at maiwasan ang mga problemang dati nang nararanasan sa barangay distribution.
Tiniyak naman nito na mayroon pa umanong paparating na karagdagang suplay ng abono na muli ring ipapamahagi sa mga magsasaka sa mga susunod na pagkakataon.











