Isang senior commander ng Hezbollah elite unit ang nasawi sa isang airstrike ng Israel sa southern suburbs ng Beirut noong Miyerkules, ang unang pag-atake sa naturang lugar sa loob ng halos isang buwan.
Ayon sa Lebanese health ministry, hindi bababa sa 11 katao pa ang nasawi sa magkakahiwalay na pag-atake sa southern at eastern Lebanon. Kinumpirma rin ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na ang target ng kanilang operasyon ay ang commander ng Hezbollah Radwan Force.
Sinabi ng source na si Malek Ballout, operations commander ng Radwan Force, ang napatay sa naturang strike. Iniulat naman ng Lebanese National News Agency na tinamaan ang Ghobeiri sa southern suburbs ng Beirut, isang kilalang kuta ng Hezbollah.
Makikita sa footage ang isang gusaling wasak na wasak matapos ang pag-atake, habang lumikas ang ilang residente dala ang kanilang mga gamit. Marami sa mga nakatira sa southern suburbs ang dati nang lumikas mula nang sumiklab ang mas malawak na kaguluhan sa rehiyon noong Marso at hindi pa rin bumabalik kahit may umiiral na tigil-putukan mula Abril 17.











