Kinuwestiyon ni Senator Joel Villanueva ang malaking pagbawas sa pondo para sa libreng tuition ng mga estudyante sa State Universities and Colleges o SUCs, kasabay ng nalalapit na pagpapatupad ng batas na naglalayong mas ituon ang tulong sa mga estudyanteng higit na nangangailangan.
Sa pagdinig sa panukalang budget ng Commission on Higher Education o CHED at mga SUC, sinabi ni Villanueva na nabawasan ng ₱9.757 bilyon ang pondo para sa Universal Access to Quality Tertiary Education o UAQTE, mula ₱37.547 bilyon ngayong 2026 tungo sa ₱27.790 bilyon sa panukalang 2027 budget.
Mas malaki naman ang kabuuang bawas sa pondo ng CHED, na mula ₱48.369 bilyon ngayong taon ay magiging ₱35.453 bilyon na lamang sa 2027, o ₱12.916 bilyon na pagbaba.
Ayon kay Villanueva, kailangang tiyaking sapat ang pondo para sa pagpapatupad ng Republic Act No. 12325, na nag-aamyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act at naglalayong mas maituon ang mga subsidy sa mga estudyanteng higit na nangangailangan.
Binigyang-diin din ng senador na maliit pa rin ang bahagi ng mga benepisyaryo ng Tertiary Education Subsidy o TES na mula sa mga pamilyang kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Sa unang semestre ng Academic Year 2025-2026, 12.6 porsyento lamang ng mga TES grantees ang mula sa 4Ps households.
Sinabi ni Villanueva na isa sa mga layunin ng RA 12325 ang tugunan ang ganitong agwat sa pamamagitan ng mas maayos na pagtukoy sa mga estudyanteng dapat makinabang sa subsidy.
Samantala, may ilang programa ng CHED na nakatakdang madagdagan ang pondo sa 2027.
Kabilang dito ang Student Financial Assistance Programs na may panukalang ₱3.185 bilyon, mula ₱2.154 bilyon ngayong taon. Dahil dito, inaasahang tataas mula 42,128 tungo sa 49,243 ang bilang ng mga benepisyaryong matutulungan.
May dagdag na pondo rin para sa Doktor Para sa Bayan o Medical Scholarship and Return Service Program na may ₱1.232 bilyong alokasyon sa 2027. Ito ay nakatakdang suportahan ang 4,557 continuing scholars at magbigay ng scholarship sa 700 bagong medical students.
Ayon kay Villanueva, mahalaga ang pagtaas ng pondo para sa scholarship at iba pang financial assistance programs, ngunit kailangan pa ring matiyak ang sapat na budget para maisakatuparan ang mga reporma sa tertiary education.











