--Ads--

Kinuwestyon ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang tig-P180 milyong lump sum allocation para sa pagtatayo ng evacuation centers sa bawat isa sa 17 rehiyon ng bansa, na umaabot sa mahigit P3 bilyon, sa ilalim ng panukalang pambansang badyet para sa 2027.

Ayon kay Lacson, kulang sa detalye ang naturang alokasyon dahil hindi nakasaad kung saan partikular itatayo ang mga evacuation center at kung nakabatay ito sa aktuwal na pangangailangan ng bawat rehiyon.

Aniya, hindi malinaw kung isinasaalang-alang sa paglalaan ng pondo ang bilang ng mga umiiral nang evacuation center at ang pangangailangan ng bawat lugar.

Sinabi rin ng senador na sinusuri nila ng kanyang staff ang iba pang probisyon sa panukalang 2027 budget na maaaring magmukhang “political” o “election budget” bago ang 2028 national elections.

--Ads--

Bukod dito, napansin din umano nila ang malaking halaga ng inilaan para sa ayuda at iba pang social services.

Bagama’t kinikilala ni Lacson ang kahalagahan ng pagbibigay ng ayuda, iginiit niyang dapat tiyakin na nakatuon din ang pambansang badyet sa mga programang magbibigay ng pangmatagalang pag-unlad.