--Ads--

Aabot sa mahigit 2.4 milyon na senior citizens sa Region 2 ang kasalukuyang kabilang sa Social Pension Program ng pamahalaan na ipinapatupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lucia Alan ang Regional Director ng DSWD sinabi nito na nasa 2,433,243 na mga nakatatanda sa buong rehiyon ang kabilang sa listahan ng mga benepisyaryo ng social pension program.

Ipinaliwanag ng opisyal na patuloy ang pag-update sa listahan ng mga benepisyaryo lalo na kung may mga senior citizen na namamatay o lumilipat ng tirahan.

Aniya, sa ganitong mga pagkakataon ay kumukuha sila ng kapalit mula sa tinatawag na waiting list upang mapunan ang bakanteng slot sa programa.

--Ads--

Dagdag pa ni Alan na sa kasalukuyan ay nakabatay na rin ang pagpili ng mga bagong benepisyaryo sa Community-Based Monitoring System (CBMS) na nagmumula sa mga local government units.

Sinabi nito na kung noon ay isinasaalang-alang pa ang kalagayan o kondisyon ng senior citizen, tulad ng kung sila ay may sakit o bedridden, sa ngayon ay mas binibigyang-prayoridad na ang edad batay sa umiiral na guidelines ng programa.

Samantala, tiniyak naman ng DSWD na ginagawa nila ang lahat ng hakbang upang mapabilis ang distribusyon ng social pension sa mga nakatatanda.

Ayon kay Alan, target ng kanilang tanggapan na maipamahagi ang social pension para sa unang quarter ng taon sa lalong madaling panahon, kung saan maging ang mga empleyado ng ahensya ay nag-o-overtime na rin upang mapabilis ang proseso.

Dagdag pa niya, patuloy din ang koordinasyon ng DSWD sa mga *local government units, senior citizens’ federation, at iba pang mga katuwang na ahensya* upang matiyak na maayos na maipapatupad ang programa.

Pinayuhan naman ni Alan ang mga senior citizens na may katanungan o concern tungkol sa social pension program na makipag-ugnayan sa mga local social worker, satellite offices ng DSWD, o sa kanilang mga SWAD offices sa bawat probinsya upang agad na mabigyan ng kaukulang tugon.