--Ads--

Kumpirmadong nasawi ang isang Malaysian tourist habang 20 katao ang patuloy pang hinahanap matapos gumuho ang itinatayong siyam na palapag na gusali sa isang subdivision sa Barangay Balibago, Angeles City, Pampanga,

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), na-trap ang Malaysian national sa isang apartelle na katabi ng gumuhong gusali at kalaunan ay narekober ng mga rescuers.

Batay naman sa Angeles City Disaster Risk Reduction and Management Office (ACDRRMO), nasa 26 katao na ang nailigtas sa insidente, kabilang ang dalawang tao mula sa naturang apartelle.

Agad namang inatasan ni Angeles City Mayor Carmelo Lazatin II ang pagpapatupad ng unified command system upang matiyak ang maayos na koordinasyon ng mga ahensya sa rescue at clearing operations.

--Ads--

Nagpadala rin ng heavy equipment at technical team ang Department of Public Works and Highways (DPWH) upang tumulong sa operasyon at sa imbestigasyon sa sanhi ng pagguho.

Ayon kay Mayor Lazatin, sisiyasatin kung may naging problema sa construction procedures, kabilang ang soil testing, at kung gumamit ng substandard materials sa nasabing gusali.

Patuloy naman ang search and rescue operations sa lugar habang iniimbestigahan ang eksaktong sanhi ng insidente.