Naniniwala si House Prosecutor at Iloilo 3rd District Representative Lorenz Defensor na ang hindi pagbanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ay nagpapakita ng paggalang ng Pangulo sa independensiya ng proseso at ng kanyang hindi pakikialam sa usapin.
Sinabi niyang sapat na ang naging pahayag noon ni Pangulong Marcos bilang tugon sa mga naging pahayag ni Vice President Sara Duterte noong Nobyembre 2024, kabilang ang umano’y pagbabanta nito sa buhay ng Pangulo.
Ayon kay Defensor, hindi na kinakailangang banggitin pa ng Pangulo sa mga pampublikong talumpati tulad ng SONA ang kanyang personal na pananaw hinggil sa nagpapatuloy na impeachment proceedings upang maiwasan ang anumang pagdududa na may impluwensiyang pulitikal sa proseso.
Binigyang-diin din niya na para sa House Prosecution Panel, hindi mahalaga kung sinusuportahan man o hindi ng Pangulo ang impeachment case dahil nananatili umano silang nakatuon sa pag-uusig sa Bise Presidente batay sa mga reklamong may kaugnayan sa mga sinasabing impeachable offenses.
Samantala, umaasa rin si Defensor na matatapos sa lalong madaling panahon ang impeachment trial upang magkaroon ng malinaw na resolusyon ang usapin.
Aniya, mas makabubuti kung magiging simple, malinaw at direkta ang presentasyon ng mga ebidensiya at testimonya ng mga testigo upang mas madaling maunawaan ng publiko at ng mga senator-judge ang mga argumento ng magkabilang panig.
Sa kabilang banda, nanindigan din ang mambabatas na dapat mabigyan ng patas na pagkakataon ang mga opisyal na nasasangkot sa mga kasong may kaugnayan sa umano’y flood control anomalies.
Tinukoy niya ang mga reklamong isinampa laban kay Uswag Ilonggo Party-list Representative Jojo Ang Jr. at ang pahayag ni Pangulong Marcos na may iba pang personalidad, kabilang ang isang dating House Speaker, na posibleng maharap sa mga kaso.
Ayon kay Defensor, mahalagang mabigyan ng pagkakataon ang mga akusado na patunayang wala silang pananagutan, ngunit kung mapapatunayang nagkasala, nararapat lamang na managot sila sa ilalim ng batas.











