Arestado na sa Cainta, Rizal ang Provincial No. 1 Most Wanted Person ng Isabela na umano’y gunman sa pagpatay sa dating Miss Philippines Earth 2013 3rd Runner-Up na si Lullete Jane Ramilo-Dela Cruz, habang tinutugis pa ng pulisya ang ikalawang suspek.
Kinilala ang naarestong suspek sa alyas na Kenneth, 30-anyos, na nadakip sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa sa Barangay San Isidro, Cainta, Rizal nitong Nobyembre 23, 2026.
Isinagawa ang operasyon ng Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office, katuwang ang iba pang yunit ng Philippine National Police.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Leonard Mamerga, Officer-in-Charge ng San Manuel Police Station, sinabi nitong natukoy ang pagkakasangkot ng suspek sa pamamagitan ng mga pahayag ng mga testigo at nakalap na forensic evidence.
Batay rin umano sa CCTV footage, dalawang indibidwal ang sangkot sa pamamaril, kung saan itinuturing na gunman ang naarestong suspek. Nilinaw naman ni Mamerga na walang personal na ugnayan ang suspek sa biktima batay sa kanilang nakalap na impormasyon.
Nagmula umano ang suspek sa Barangay Ugad, Cabagan, Isabela, at mayroon ding naitalang address sa Pampanga. Nabatid din ng mga imbestigador na sa Tarlac ito ipinanganak.
Samantala, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng ikalawang suspek.
Nananawagan naman ang San Manuel Police Station sa publiko na ipagbigay-alam sa kanilang tanggapan ang anumang impormasyong makatutulong sa ikalawang pagkakaaresto.
Matatandaang binaril at napatay si Ramilo-Dela Cruz sa harap ng kanyang tahanan sa Barangay Cabaritan, San Manuel, Isabela noong Pebrero 13, 2026.









