Nagpatawag ng committee hearing ang Sangguniang Panlungsod ng Cauayan matapos makatanggap ng mga reklamo hinggil sa umano’y iregularidad sa pamamahagi ng ayuda para sa mga magsasaka mula sa Department of Agriculture (DA).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Paolo Eleazar “Miko” Delmendo, sinabi nitong may mga ulat na ilang tunay na magsasaka ang hindi nakatanggap ng tulong, habang may mga indibidwal na hindi naman umano farmers o hindi residente ng lungsod ang napasama sa listahan ng benepisyaryo. Kabilang sa mga nagreklamo ang ilang magsasaka mula sa Barangay Guayabal at Barangay Mabantad.
Ipinaliwanag ni Delmendo na nagsisimula ang beripikasyon sa antas ng barangay kung saan dapat sinusuri at sine-certify ng mga opisyal kung lehitimong magsasaka ang aplikante. Gayunman, lumabas sa pagdinig na may mga pagkakataong nababago o nadadagdagan ang listahan matapos itong isumite, na nagdudulot ng pagkakasama ng mga hindi kwalipikado. Ayon pa sa kanya, may mga ulat din na ilang personnel o technician ang umano’y nagdagdag ng pangalan sa listahan na hindi dumaan sa tamang proseso.
Dahil dito, pinag-aaralan ng konseho ang pagpasa ng isang ordinansa na maglalagay ng mas mahigpit na mekanismo sa beripikasyon ng mga benepisyaryo bago ipamahagi ang ayuda. Posible ring maharap sa kasong administratibo ang sinumang mapapatunayang may pananagutan sa mga iregularidad.
Sa kabila nito, nilinaw ni Delmendo na hindi na maaaring bawiin ang mga naipamahagi nang ayuda, subalit tiniyak na muling ibeberipika ang buong listahan upang masiguro na sa mga susunod na pamamahagi ay tanging mga kwalipikadong magsasaka na lamang ang makatatanggap ng tulong. Dagdag pa niya, matagal nang hinaing ng ilang magsasaka ang ganitong isyu ngunit ngayon lamang nila ito hayagang naiparating sa mga awtoridad.











