Bago magsara ang 19th Congress ay magsasagawa ngayong araw ng huling pagdinig ang House Quad Committee ukol sa iligal na droga, extrajudicial killings, Philippine Offshore and Gaming Operators (POGO), at iba pa.
Ayon kay Quad Committee Overall Chairman Rep. Robert Ace Barbers, sa pagdinig ngayon ay aalamin nila kung ano ang aksyon na ginawa ng executive department bilang tugon sa partial committee report na una nilang inilabas noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Magugunitang sa partial committee report ay inirekomenda ng Quad Committee na masampahan ng “crimes against humanity” si dating Pangulong Rodrigo Duterte at iba pa dahil sa madugong giyera kontra ilegal na droga.
Hindi naman binanggit ni Barbers kung sino-sino ang resource person sa pagdinig ngayon pero kanyang tiniyak na magsusumite sila ng final committee report.