Pormal na kinilala ng Kamara de Representantes si Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian bilang Acting Senate President sa gitna ng nagpapatuloy na usapin sa liderato ng Senado.
Sa isang pahayag, binati ni House Speaker Faustino Dy III si Gatchalian sa pag-upo bilang Acting Senate President at nagpahayag ng tiwala na magagampanan nito ang tungkulin nang may integridad at dedikasyon sa serbisyo publiko.
Samantala, umaasa si Deputy Speaker Paolo Ortega V na agad maresolba ang sigalot sa loob ng Senado upang hindi maapektuhan ang mga nakabinbing usapin, kabilang ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na nakatakdang umusad sa Hulyo 6.
Binigyang-diin din ni Ortega na ilang institusyon, kabilang ang Malacañang at ang Integrated Bar of the Philippines, ay kinilala na rin ang bagong liderato ni Gatchalian.
Ayon naman kay Rep. Terry Ridon, nakahanda ang Kamara na makibahagi sa anumang special session na ipatatawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang maipasa ang mga prayoridad na panukalang batas na naantala dahil sa hidwaan sa Senado.










