Kusang nagbitiw sa kanilang pwesto ang ilang barangay tanod sa Cauayan City matapos silang madawit sa kontrobersyang may kaugnayan sa umano’y paggamit ng ilegal na droga kasama ang isang barangay kagawad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Paolo Eleazar “Miko” Delmendo, sinabi nito na kabilang sa mga tumestigo sa isinagawang preliminary conference ang ilang barangay tanod na umano’y pinapagamit ng ilegal na droga ng nasabing kagawad.
Ayon kay SP Delmendo, sinabi umano ng mga tanod na napipilitan lamang silang sumunod dahil ang barangay kagawad ang kanilang peace and order chairman at nangangamba umano silang mapagalitan o magkaroon ng alitan dito kapag tumanggi sila.
Dahil umano sa kahihiyang dulot ng isyu at bilang respeto sa mga residente ng kanilang barangay, nagdesisyon umano ang mga tanod na kusang magbitiw sa kanilang tungkulin.
Samantala, sinabi rin ng Konsehal na kasalukuyan nang sumasailalim sa rehabilitation ang naturang barangay kagawad matapos itong madawit sa isyu ng ilegal na droga.
Bukod sa alegasyon ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot, nahaharap din umano ang barangay kagawad sa reklamong pambubugbog matapos tumestigo ang isang witness hinggil sa umano’y pananakit sa isang residente na dinala sa barangay hall.
Ayon pa kay SP Delmendo, sapat umano ang mga testimonya at ebidensyang iniharap ng mga complainant upang ituloy ng konseho ang pagdinig sa kasong administratibo laban sa barangay opisyal.











