--Ads--

Nagbabala ang mga awtoridad sa publiko hinggil sa patuloy na pagkalat ng “assume balance” modus na karaniwang ginagamit sa bentahan ng sasakyan sa lalawigan ng Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Renoli Bagayao, Provincial Director ng Isabela Highway Patrol Group (HPG), sinabi niyang kadalasang inaalok ng mga manloloko ang mga sasakyang naka-assume balance sa murang halaga upang mahikayat ang mga bibili.

Sa ganitong modus, pinapabayad ang mga biktima ng paunang halaga o down payment kapalit ng pangakong maipapasa sa kanila ang pagmamay-ari at pagpapatuloy ng hulog ng sasakyan. Subalit kalaunan, natutuklasan na hindi pala awtorisado ang transaksyon, may ibang umaangkin sa sasakyan, o kaya naman ay peke ang mga dokumentong ipinapakita.

Nagpaalala rin si PMaj. Bagayao sa publiko na maging mapanuri, lalo na sa mga sasakyang ibinebenta gamit ang open deed of sale, isang dokumentong pirmado ng orihinal na may-ari ngunit hindi pa naililipat sa pangalan ng bagong bibili.

--Ads--

Dahil walang nakatalagang pangalan ng tunay na buyer, madali itong maipasa o maibenta sa iba na maaaring magamit sa ilegal na transaksyon.

Binalaan din niya ang publiko laban sa pagtanggap lamang ng xerox copy ng official receipt at certificate of registration (OR/CR). Mahalaga na orihinal na dokumento ang maipakita upang matiyak ang legalidad ng transaksyon.