Mariing itinanggi ng Office of the Prosecutor (OTP) ng International Criminal Court ang alegasyon ng 18 nagpakilalang dating Marines na may pribadong indibidwal umanong nagpondo sa kanilang imbestigasyon, at iginiit na ang lahat ng aktibidad nito ay pinopondohan lamang sa pamamagitan ng opisyal na badyet ng korte at pinamamahalaan sa isang independiyente at transparent na paraan.
Sa pahayag nitong Huwebes, sinabi ng Public Information Unit ng OTP na ang kanilang operasyon ay saklaw ng badyet na inaprubahan ng ICC Assembly of States Parties at sumasailalim sa umiiral na oversight mechanisms. Anila, ang lahat ng gastusin kaugnay ng prosekusyon at imbestigasyon, kabilang ang mission expenses, ay ganap na tinutustusan ng naturang badyet at mahigpit na pinamamahalaan alinsunod sa financial rules and regulations ng ICC.
Ang paglilinaw ng ICC ay kasunod ng pahayag ng 18 indibidwal na ipinakilalang dating miyembro ng Philippine Marine Corps sa pamamagitan ng kanilang abogado na si Atty. Levito “Levi” Baligod. Inakusahan nila sina dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co at dating senador na si Antonio Trillanes IV na umano’y nagpondo ng hotel accommodations ng mga imbestigador ng ICC, bagay na nagpapahiwatig umano ng korapsyon sa imbestigasyon ng korte.
Binigyang-diin ng OTP na sila ay nagsasagawa ng independiyenteng pangangalap ng impormasyon, kabilang ang pagtukoy sa mga indibidwal na kinukunan ng pahayag at pagsusuri sa kredibilidad, pagiging maaasahan, at kaugnayan ng lahat ng impormasyong kanilang natatanggap. Pantay din umano nilang sinusuri ang ebidensyang maaaring makapagdiin o makapagpawalang-sala. Dagdag pa ng tanggapan, ang pagbubunyag ng impormasyon sa mga kasong nasa harap ng korte ay mahigpit na kinokontrol ng legal framework ng ICC at nasa ilalim ng pangangasiwa ng mga independent judges nito. Hindi rin sila nagbibigay ng komento hinggil sa mga operational matter ng nagpapatuloy na imbestigasyon upang maprotektahan ang integridad ng proseso at ang seguridad ng mga biktima, testigo, at kawani.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang confirmation of charges hearing laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity na inihain sa ICC na may kinalaman sa kampanya kontra droga noong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan bilang pangulo ng bansa.
Samantala, mariin namang itinanggi ni Trillanes ang paratang na tumanggap siya ng $2 milyon o anumang halaga upang pondohan ang imbestigasyon ng ICC sa Pilipinas. Ayon sa kanya, gawa-gawa lamang umano ang akusasyon at layunin nitong siraan ang nagpapatuloy na pagdinig sa The Hague. Nagpahayag din siya ng planong magsampa ng kasong cyber libel at iba pang kaukulang reklamo laban sa mga nasa likod ng naturang alegasyon.











