--Ads--

Nagtipon-tipon ang iba’t ibang organisasyon at sektor ng lipunan sa Santiago City upang makiisa sa pagdiriwang ng ika-128 Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ngayong Hunyo 12.

Kabilang sa mga dumalo sa programa ang mga miyembro ng iba’t ibang civic organizations, fraternal groups at iba pang samahan mula sa Santiago City at mga karatig-lugar bilang pakikiisa sa paggunita sa makasaysayang araw para sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Reynaldo L. Mina, District Grand Lecturer ng Masonic District Region 2 Isabela South, sinabi nito na mahalagang patuloy na gunitain ng mga Pilipino ang Araw ng Kalayaan bilang pagkilala sa sakripisyo at kabayanihang ipinamalas ng mga ninunong nakipaglaban para sa kasarinlan ng bansa.

Ayon kay Mina, mahalagang maunawaan ng mga kabataan at ng kasalukuyang henerasyon ang kahalagahan ng naturang pagdiriwang dahil ito ang nagpapaalala kung paano nakamit ng Pilipinas ang kalayaan mula sa mga mananakop.

--Ads--

Aniya, ang mga bayaning nagbuwis ng kanilang buhay para sa bansa ang naging daan upang matamasa ng mga Pilipino ang kalayaan at mga karapatang tinatangkilik sa kasalukuyan.

Binigyang-diin din niya na ang pagdiriwang ng Independence Day ay hindi lamang isang seremonya kundi isang pagkakataon upang mapanatiling buhay ang diwa ng pagmamahal sa bayan, pagkakaisa at pagpapahalaga sa kasaysayan.

Kasabay nito, hinimok ni Mina ang publiko lalo na ang mga kabataan na patuloy na pag-aralan at pahalagahan ang kasaysayan ng Pilipinas upang maunawaan ang kahalagahan ng kalayaan at ang responsibilidad ng bawat mamamayan sa pagpapanatili nito para sa mga susunod na henerasyon.