--Ads--

Nangako si City Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr. na ibabalik ang mga tinanggal na kaganapan sa Gawagawayan Festival ngayong taon sa susunod na taon, bilang bahagi ng pagpapakita ng suporta sa mga Cauayaños sa gitna ng kasalukuyang krisis.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Dy, ipinaliwanag ng alkalde na bilang pagsunod sa panawagan ng national government na magtipid, minabuti ng lokal na pamahalaan na huwag ituloy ang ilang mga aktibidad, kabilang na ang racing event, na orihinal na nakalista sa mga programa ng Gawagawayan ngayong taon.

Aniya, ang desisyong ito ay bahagi ng kanilang hakbang upang makatulong sa pagtugon sa kasalukuyang krisis at magsagawa ng mga hakbang para sa pagtitipid sa pondo ng lokal na gobyerno.

Ipinaliwanag din ng alkalde na bagamat tinanggal ang ilang mga aktibidad ngayong taon, ang mga ito ay ibabalik sa susunod na taon kapag natapos na ang krisis. Tiniyak ng alkalde na ang mga kababayan sa Cauayan ay mauunawaan ang kanilang desisyon.

--Ads--

Binanggit pa ng alkalde na bilang isang nagkakarera, malaking tulong ang racing events hindi lamang sa pagpapakita ng talento at disiplina sa pagmamaneho, kundi pati na rin sa pagkakaroon ng pagkakaisa at saya sa komunidad.

Gayundin, tiniyak ni Mayor Dy na tuloy pa rin ang mga ibang aktibidad tulad ng mga konsyerto na nakaschedule ngayong taon upang matiyak ang kasiyahan ng mga Cauayaños sa kabila ng mga pagsubok dulot ng krisis.

Ang lokal na pamahalaan ay patuloy na nagtatrabaho upang mapanatili ang mga hakbang para sa pagpapalakas ng ekonomiya at paglaban sa mga epekto ng kasalukuyang sitwasyon, at umaasa ang alkalde na magbabalik ang mga kaganapan sa susunod na taon.