--Ads--


Naging matagumpay ang pagdaraos ng Gawagawa-yan Festival sa Cauayan City na nagbigay ng malaking tulong sa lokal na ekonomiya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr..

sinabi niya na naging maayos ang implementasyon ng mga programa at aktibidad sa nasabing kapistahan, kung saan kapansin-pansin ang pagdagsa ng mga bisita mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang ang Luzon, Visayas at Mindanao.

Ayon sa alkalde, isa sa mga naging pokus ngayong taon ay ang mga konsiyerto, lalo na’t maaga pa lamang ay nabayaran na ang mga artist na kanilang inimbitahan kaya’t itinuloy ang mga ito upang hindi masayang ang inilaan na pondo.

--Ads--

Dagdag pa niya, malaki ang naitulong ng festival sa mga negosyo sa lungsod, mula sa maliliit na negosyante hanggang sa malalaking establisyemento gaya ng mga hotel at restaurant, dahil sa pagdami ng mga turista na dumayo sa lungsod.

Ipinahayag din ni Mayor Dy na ikinatuwa ng mga bisita ang kalidad ng selebrasyon, kung saan inihalintulad pa umano ito sa mga kilalang festival sa bansa tulad ng Sinulog Festival at MassKara Festival.

Kabilang din sa mga tampok sa closing program ang drone show na naglahad ng 25 taong kasaysayan ng lungsod mula sa pagiging ikaapat na klaseng lungsod hanggang sa halos pagiging first-class city kasama ang mga nagdaang lider at kanilang mga proyekto.

Binigyang-diin naman ng alkalde ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng mga programa ng mga nagdaang administrasyon na aniya’y patuloy na napapakinabangan at nadaragdagan pa ng mga bagong inisyatiba sa kasalukuyan.

Gayunman, aminado si Mayor Dy na may ilang aktibidad na hindi na isinama ngayong taon, tulad ng karera, bilang bahagi ng pagtitipid at praktikal na paggamit ng resources sa gitna ng tumataas na presyo ng gasolina at diesel.