Naranasan ang ilang aberya sa Final Testing and Sealing ng mga Automated Counting Machines o ACMs sa ilang lugar sa lalawigan ng Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Manuel Castillo, Provincial Election Supervisor ng Comelec Isabela, sinabi niya na ilang problema ang naitala sa Lungsod ng Cauayan at bayan ng Sto. Tomas.
Aniya ang naideliver na isang ACMs sa Cauayan City ay hindi para sa lungsod kundi para sa Narvacan, Ilocos Sur habang ang isang naideliver naman sa Sto. Tomas ay para sa Quezon, Nueva Vizcaya.
Agad namang napagpalit ang ACM na nasa Sto. Tomas sa ACMs na nasa Quezon Nueva Vizcaya habang sa Cauayan City at Narvacan ay inischedule ngayong araw na magsalubong na lamang sa daan ang dalawang sasakyan ng dalawang comelec office para magpalit ng ACMs.
Samantala may ilan ding naitala na hindi compatible ang mga USB Flash drives sa ACM pangunahin sa Alicia, San Mateo, Sta. Maria at San Manuel.
Ang Sta. Maria at San Manuel ay naayos na sa ngayon dahil sa technical hub na binuo sa tanggapan ng Comelec Isabela sa bahagi ng Ilagan habang ang Alicia at San Mateo ay dadalhin sa tanggapan ngayong araw para ayusin.
Aniya ang bawat Municipal at City Comelec Offices ay may sariling contingency measures naman sakaling magkaroon ng aberya.
Batay sa Comelec Central Office ang Final Testing and Sealing ay isasagawa ng May 2-7, 2025 ngunit kung may mga naitalang aberya ay kailangang maayos hanggang sa araw ng Sabado, May 10, 2025.
Nilinaw naman niya na sa Final Testing and Sealing ng mga ACMs ay hindi isinagawa ang transmission o pagsuri sa signal ng internet sa mga polling precincts.