Nagtungo sa Senado ang ilang grupo kabilang ang Akbayan Party, Magdalo, Mamamayang Liberal, EveryWoman at Tindig Pilipinas upang hilingin sa Senate Impeachment Court na agad magpalabas ng subpoena para sa bank at tax records ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Akbayan President Rafaela David, mahalagang mabusisi ang mga dokumentong ito upang ganap na mabatid ang katotohanan sa impeachment proceedings at matiyak ang pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan.
Binigyang-diin niya na hindi dapat itinatago ang anumang ebidensya na makatutulong sa paglilinaw ng mga usaping kinakaharap ng bise presidente.
Nagbabala rin ang grupo sa mga senator-judges na huwag maulit ang kontrobersiya sa “second envelope” noong impeachment trial ni dating Pangulong Joseph Estrada, na nagdulot ng matinding galit ng publiko.Samantala, nagsagawa rin ng lightning rally sa Senado ang Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK) at iba pang youth groups upang suportahan ang panawagang buksan ang tax at bank records ni Duterte.











