Nabaon sa lupa ang ilang residential buildings at na-trap ang hindi pa matukoy na bilang ng mga residente matapos ang landslide sa lungsod ng Chongqing sa timog-kanlurang bahagi ng China ngayong Biyernes, Hulyo 17.
Batay sa ulat ng state media, walong katao na ang nasagip mula sa mga natabunang gusali habang nagpapatuloy ang search and rescue operations sa lugar.
Naganap ang landslide dakong alas-9:08 ng umaga sa Pengshui County, isang lugar na matatagpuan sa timog-silangang bahagi ng Chongqing at may hangganan sa mga lalawigan ng Hubei at Guizhou.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang kabuuang bilang ng mga nawawala at posibleng naapektuhan ng insidente.
Sa ngayon, wala pang naitatalang nasawi o nasugatan kaugnay ng naturang sakuna habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at retrieval operations sa lugar.











