--Ads--

Ilang residente sa lalawigan ng Batanes ang lumikas sa kanilang mga tahanan dahil sa masamang lagay ng panahon na dulot ng Bagyong Rosal.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Roldan Esdicul, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Batanes, sinabi nitong 19 na pamilya o 43 indibidwal ang kasalukuyang nananatili sa labas ng mga evacuation center, habang apat na pamilya o sampung indibidwal naman ang nasa loob ng mga evacuation center.

Kabilang sa mga lumikas ang mga residenteng nakatira malapit sa baybayin at mga bahay na gawa sa light materials, partikular sa mga bayan ng Sabtang at Itbayat, bilang pag-iingat sa malalakas na alon at hangin.

Wala pa namang naitatalang pagbaha at nasirang bahay sa lalawigan, bagama’t may paunang ulat na tatlong bangka ang napinsala matapos abutin ng malalaking alon sa kabila ng pagkakasiguro sa mga ito.

--Ads--

Samantala, nananatiling stranded sa Batanes ang 55 turista, habang umabot na sa 163 ang mga pasaherong naapektuhan ng pagkansela ng mga biyahe.

Sinabi ng opisyal na inaasahang maaaring maibalik ang mga flight sa Sabado o Linggo, depende sa magiging lagay ng panahon. Simula Martes ng tanghali ay umiiral na rin ang no-sail policy sa lalawigan kaya walang biyahe ng mga bangka patungo sa mga isla.

Nakapagtala rin ng pagkawala ng suplay ng kuryente sa ilang lugar sa Batanes. Ayon kay Esdicul, may mga bahagi ng Sabtang at Itbayat na wala pang kuryente sa oras ng kanilang pag-uulat, habang patuloy ang pagkukumpuni ng mga kinauukulang power provider.