Ilang military aircraft ng Estados Unidos ang napinsala matapos magsagawa ang Iran ng ballistic missile attack laban sa Muwaffaq Salti Air Base o Al-Azraq Air Base sa Jordan.
Ayon sa mga ulat, nasa 20 ballistic missiles ang pinaputok patungo sa Jordan, kung saan 18 ang na-intercept at nawasak ng air defenses habang dalawa ang bumagsak sa open areas.
Gayunman, nakalusot ang ilang missile at napinsala ang mga military aircraft ng US sa air base.
Kabilang dito ang isang A-10 Thunderbolt II, na kilala bilang “Warthog,” na nagtamo ng matinding pinsala at nawalan ng isang pakpak.
Samantala, nasa walong F-15E Strike Eagle ang nagtamo ng bahagyang pinsala ngunit nanatiling serviceable at naibalik sa operasyon.
Wala namang naiulat na nasawi o nasugatang American personnel sa naturang pag-atake.
Mahalaga ang Muwaffaq Salti Air Base sa operasyon ng US sa Middle East dahil nagsisilbi itong key airpower at logistics hub at pinag-iistasyon ng dose-dosenang American military aircraft.
Ang pag-atake ay bahagi umano ng pagganti ng Iran matapos wasakin ng US ang limang Iranian oil tankers. Kasunod nito, sinabi rin ng Iran na umatake ito sa mga barko malapit sa Strait of Hormuz.
Patuloy namang tumitindi ang tensyon sa pagitan ng US at Iran, na nagdudulot din ng epekto sa global oil market matapos lumampas sa 100 dollars kada barrel ang presyo ng Brent crude.











