Mahigpit nang huhulihin ng Land Transportation Office o LTO simula Setyembre 1 ang mga motorista na gumagamit ng improvised o replica license plates nang walang kaukulang awtorisasyon.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, bawal ang mga plaka na eksaktong ginagaya ang opisyal na plaka ng ahensya. Kasama rin sa crackdown ang mga gumagawa at nagbebenta ng naturang mga plaka.
Paliwanag ni Lacanilao, maaaring gamitin ang mga pekeng plaka upang maitago ang pagkakakilanlan ng mga sasakyang sangkot sa krimen.
Ang paggamit ng improvised plate nang walang awtorisasyon ay maaaring humantong sa pagkaka-impound ng sasakyan at multang P5,000, habang kukumpiskahin naman ng LTO ang mga pekeng plaka.
Nakikipag-ugnayan din ang LTO sa Philippine National Police o PNP para matukoy at mapatigil ang mga gumagawa ng ilegal na plaka, kabilang ang mga nag-aalok ng ganitong serbisyo malapit sa mga tanggapan ng LTO.
Para naman sa mga nawalan ng plaka, pinayuhan silang magsumite ng affidavit of loss at mag-apply para sa duplicate plate. Kapag naaprubahan, maaari silang bigyan ng awtorisasyon na gumamit ng improvised plate habang hinihintay ang kapalit.











