Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa pamamaril na ikinasawi ng isang Indian national businessman sa City of Ilagan noong gabi ng Mayo 23, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Jeffrey Raposas, Chief of Police ng City of Ilagan Component Police Station, sinabi nito na naganap ang insidente dakong alas-9 ng gabi sa City Homes Subdivision sa Brgy. Alibagu.
Kinilala ang biktima na si Serget Singh, isang Indian national at negosyante sa lungsod.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya at nakuhang CCTV footage, pauwi na umano ang biktima mula sa trabaho at papasok na sana sa kanilang gate nang lapitan at pagbabarilin ng suspek na agad ding tumakas matapos ang insidente.
Ayon kay PLt. Col. Raposas, iisa lamang ang nakitang salarin sa CCTV footage na nakasuot ng itim na sweatshirt, rider’s mask at sakay ng pula at itim na motorsiklo.
Nagtamo umano ng tama ng bala sa kaliwang bahagi ng dibdib, pulsuhan at balakang ang biktima na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Bagamat mayroon nang sinusundang motibo ang mga imbestigador, tumanggi muna ang hepe ng pulisya na magbigay ng karagdagang detalye habang nagpapatuloy ang independent investigation at pangangalap ng mga ebidensya.
Sinabi rin nito na kinokolekta at sinusuri pa ng mga otoridad ang iba pang CCTV footage upang makabuo ng matibay na kaso laban sa salarin.
Samantala, tiniyak naman ng City of Ilagan Component Police Station na patuloy nilang pinaigting ang police visibility at pag-aadjust sa kanilang patrol deployment upang maiwasan ang pag-ulit ng mga kahalintulad na insidente sa lungsod.
Nanawagan din ang hepe sa publiko lalo na sa Indian community sa lungsod na makipagtulungan sa mga otoridad at magbigay ng anumang impormasyon na makatutulong sa agarang pagresolba sa kaso at pagbibigay hustisya sa biktima.











