Umapela ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na agarang tugunan ang lumalalang krisis sa industriya ng asukal sa bansa.
Ayon sa TUCP, dapat ding isaalang-alang ng Pangulo ang rekomendasyon ng Confederation of Sugar Producers Association Inc. (CONFED), na suportado rin ng iba pang stakeholders ng industriya tulad ng National Federation of Sugarcane Planters (NFSP) at National Congress of Unions in the Sugar Industry of the Philippines (NACUSIP-TUCP).
Ani TUCP Party-list Representative at House Deputy Speaker Raymond Democrito C. Mendoza, bumabagsak ang industriya ng asukal dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo, ani, at demand para sa lokal na asukal.
Dagdag niya, dahil sa hindi nagagamit nang husto ang mga refinery, ang mga miller, magsasaka, planters, at manggagawa ay napipilitang magtrabaho nang mas kaunti at kumita nang mas mababa, na nagdudulot ng matinding epekto sa kanilang kabuhayan at pamilya.
Ayon pa kay Mendoza, kailangan ng bansa ngayon ng matibay na pamumuno na makikinig sa mga stakeholders ng industriya at iiwasan ang madaling solusyon ng labis na pag-aangkat na paulit-ulit nang nabigong ipatupad.
--Ads--











