--Ads--

Humiling ang United People’s Initiative (UPI) sa Korte Suprema (SC) na utusan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sumailalim sa hair follicle drug test at ilabas ang resulta nito, kasunod ng patuloy na usapin sa publiko at ang naging pahayag ni Senator Imee Marcos, kamakailan.

Sa isang 12-pahinang petisyon na inihain nitong Abril 10, sinabi ng UPI na may karapatan ang publiko, batay sa Konstitusyon, na malaman ang kalagayan ng kalusugan ng Pangulo lalo na kung ito ay maaaring makaapekto sa kakayahan nitong gampanan ang kanyang tungkulin.

“The right to information is paramount. We, the people, as sovereign, have the right to assert transparency regarding the condition of officials who exercise executive power in our name,” ayon sa petisyon.

Samantala, pinabulaanan ni Pangulong Marcos ang mga usap-usapan tungkol sa kanyang kalusugan at tinawag itong “pure shenanigans.” Sa kanyang pagharap sa media, nagpakita pa siya ng ilang jumping jacks at tumakbo sa loob ng Malacañang kasama ang mga mamamahayag.

--Ads--

Sa kanilang mosyon, binanggit ng UPI ang umano’y mga saksi na nagsabing nakita si Marcos sa St. Luke’s Medical Center.

Tinukoy rin ng grupo ang mga naging pahayag ni Senador Imee Marcos, na nagsabing nagkasakit umano ang Pangulo dahil walang nag-aalaga sa kanya sa Malacañang—isang pahayag na itinanggi naman ng Palasyo.

Bukod sa drug test, hiniling din ng UPI sa Korte Suprema na atasan ang pamahalaan na maglabas ng regular, tumpak, at napapanahong medical bulletins sakaling magkaroon ng kondisyong maaaring makaapekto sa kakayahan ng Pangulo na mamuno.

Kabilang sa mga pinangalanang respondent sa petisyon ang Office of the Executive Secretary—bilang tagapangalaga ng impormasyon ukol sa kalusugan ng Pangulo—at si Communications Office Chief Dave Gomez.