--Ads--

Patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya upang makalikom ng karagdagang ebidensya laban sa mga naarestong suspek sa pamamaril sa Delfin Albano, Isabela.

Matatandaang naaresto ang dalawang suspek habang nasawi naman ang isa matapos ang isinagawang hot pursuit operation ng pinagsanib na puwersa ng pulisya, ilang oras lamang matapos ang insidente noong umaga ng Abril 16.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Scarlette Topinio, Information Officer ng Isabela Police Provincial Office, sinabi niya na natunton ang mga suspek sa Barangay Barunbun, Sto. Tomas, Isabela kung saan nauwi sa armadong engkwentro ang operasyon. Napatay sa naturang engkwentro si alyas “Alucard,” na sinasabing lider ng isang criminal group at kabilang sa drug watchlist.

Naaresto naman sina alyas “Amon,” na itinuturing na high-value individual, at si alyas “Roger.”

--Ads--

Ang biktima ng pamamaril ay kinilalang si alyas “Fernando,” isang magsasaka na kasalukuyang ginagamot sa ospital matapos barilin sa Purok 6, Barangay Calinaoan Sur, Delfin Albano, Isabela.

Ayon sa pulisya, agad na tumakas ang mga suspek patungong Sto. Tomas, Isabela matapos ang insidente. Dahil dito, mabilis na naglatag ng checkpoints at nagsagawa ng hot pursuit operation ang Delfin Albano Municipal Police Station katuwang ang iba’t ibang yunit ng pulisya sa lalawigan.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang motibo ng pamamaril at matiyak ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga naarestong suspek.