--Ads--

Nababawasan umano ang integridad ng ilang mga ahensiya dahil sa kontrobersiyal na larawan ng ilang mga opisyal kasama ang pinatalsik na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Mayor Alice Guo matapos itong mapabalik ng bansa.

Matatandaan na umani ng samu’t saring reaksyon sa taumbayan ang mga larawan ni Guo kasama ang ilang opisyal ng Philippine  National Police, National Bureau of Investigation at DILG na tila ba isang celebrity ang dating Alkalde.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Michael Henry Yusingco, Political Analyst at Constitutionalist, sinabi niya na maaari itong magdulot ng kawalan ng tiwala ng taumbayan sa pamahalaan.

Bagama’t naiintindihan niya na tinatrato nila ng maayos si Guo dahil marami itong hawak na impormasyon tungkol sa mga nasa likod ng Illegal Offshore Gaming Operators o POGO ay dapat pa rin umanong imbestigahan ang ikinikilos ng mga sangkot na opisyal.

--Ads--

Hindi naman  umano niya masisisi ang Gobyerno kung pinoprotektahan nila si Guo dahil hindi na kagulat-gulat kung may banta sa buhay ng Alkalde dahil malalaki umanong kriminal ang nasa likod ng POGO na nababahala sa kung anong isisiwalat ni Guo.

Sa ngayon ay malabo pa namang maging state witness si Guo dahil kulang pa ang impormasyon na hawak ng mga awtoridad kung sinu-sino pa ang mga sangkot sa POGO base na rin sa mga ebidensiyang ilalatag nito.