Tuloy-tuloy ang ginagawang paalala at pagbibigay-alam ng Person With Disability (PWD) Affairs sa lungsod ng Cauayan sa mga tricycle driver na bawal tanggihan ang mga pasaherong PWD.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PWD Affairs Officer Jonathan Galutera, sinabi niya na mayroon na silang mga naitalang kaso ng mga pasaherong PWD na nagsumbong sa kanilang opisina. Aniya, agad nilang idinudulog ang mga kaso sa opisina ng Public Order and Safety Division (POSD), kung saan pinagmumulta ang mga tricycle driver na tumangging tanggapin ang mga mananakay na PWD.
Ayon pa sa kanya, patuloy rin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga PWD ng lungsod. Mayroong mga community service na isinasagawa kung saan agad na idinudulog sa kanilang opisina at sa hanay ng POSD ang anumang kahalintulad na sitwasyon.
Dagdag pa ni Officer Galutera, may mga discount at priyoridad para sa mga PWD, lalo na sa mga terminal. Makikita ang mga ito sa mismong tricycle na sinasakyan, sa pamamagitan ng nakadikit na impormasyon o “per metrics” kung saan pupunta ang mga ito.
Aniya, kung sakaling sinosobrahan ng tricycle driver ang pangongolekta ng pamasahe o ayaw ipagkaloob ang discount, agad itong idulog sa kanilang opisina upang mabigyan ng mabilisang aksyon.
Samantala, sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pillarito Mallilin, sinabi niya na doble ang multa sa mga tricycle driver na hindi nag-a-accommodate sa mga may kapansanan, dahil sila ang priority.
Aniya, ang mga PWD kung maaari ay hindi na dapat nagbabayad ng buong pamasahe. Dagdag pa niya, sa mga pagkakataong nakakaranas ng ganitong sitwasyon, dapat kunin ang body number ng tricycle upang mabigyan ng kaukulang aksyon.
Ayon kay Chief Mallilin, mayroong multa ang mga tricycle driver. Kung sakaling maipasa sa LTO, umaabot ang multa sa P3,500 sa first offense. Kapag naman sa lokal na antas, ang multa sa first offense ay P500.










