--Ads--

Nagmadaling nagpa-gas ang mga tricycle driver sa Lungsod ng Cauayan bago pa man ipatupad ang panibagong taas presyo sa produktong petrolyo upang makaiwas sa dagdag na gastusin sa kanilang pasada.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jameson Manauag, sinabi niya na malaking tulong umano sa mga kagaya niyang namamasada ang maagang pagpapa-gas lalo’t ramdam na nila ang epekto ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis sa kanilang kinikita.

Aniya, mas mababawasan ang naiuuwi nilang kita kapag patuloy ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo  habang nananatili pa rin ang singil sa pasahe.

Samantala, nanawagan din si Manaoag sa Public Order and Safety Division (POSD) na higpitan ang pagbabantay at paghuli sa mga colorum na tricycle na patuloy na bumibiyahe sa Lungsod ng Cauayan.

--Ads--

Dahil kas rito ay naaapektuhan ang hanapbuhay ng mga lehitimong namamasada na may prangkisa at sumusunod sa tamang regulasyon ng pamahalaan.

Aniya, hindi lamang umano kompetisyon sa pasada ang dulot ng mga colorum na tricycle kundi maging peligro rin sa kaligtasan ng mga pasahero dahil karamihan sa mga ito ay walang sapat na dokumento at permit para makabiyahe kaya naman umaasa sila na mabibigyan ng agarang aksyon ang kanilang hinaing.