--Ads--

Patay ang isang babae habang sugatan naman ang isa pa matapos masangkot ang sinasakyan nilang motorsiklo sa banggaan sa isang pampasaherong bus sa National Highway sa Barangay Del Pilar, Alicia, Isabela kaninang bandang alas-9:00 ng umaga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bryan Mayoralgo, Head ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO ng Alicia, sinabi nitong patungo ng Santiago ang direksyon ng bus habang papasok naman umano sa isang kanto sa Barangay Del Pilar ang motorsiklo nang maganap ang banggaan.

Kinilala ang nasawing biktima na isang 43-anyos na babae at residente ng Barangay Del Pilar, Alicia, na siyang nagmamaneho ng motorsiklo. Nagtamo ito ng matinding pinsala sa ulo at idineklarang dead on arrival ng doktor bandang alas-10:00 ng umaga.

Samantala, ang angkas nitong 55-anyos na babae na residente ng Barangay Linglingay, Cauayan City ay nagtamo ng mga sugat at pinaghihinalaang bali sa kamay. Kasalukuyan itong nagpapagaling sa isang ospital sa bayan ng Alicia.

--Ads--

Wala namang naiulat na nasugatan sa mga sakay ng pampasaherong bus.

Sa ngayong, nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang sasakyang sangkot habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng aksidente.