Tumaas ang presyo ng ilang gulay at iba pang agricultural products matapos maapektuhan ng sunod-sunod na pag-ulan, pagbaha, at pananalasa ng Habagat at mga bagyong Luis at Maymay ang iba’t ibang taniman sa bansa.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), umabot na sa ₱1.4 bilyon ang kabuuang pinsala sa sektor ng agrikultura. Pinakamalaki ang naitalang pinsala sa palay na nagkakahalaga ng ₱794 milyon, kasunod ang gulay at iba pang high-value crops na ₱454 milyon, at mais na ₱74 milyon.
Sinabi ni DA spokesperson Arnel de Mesa na kabilang sa mga pinakamalubhang naapektuhang lugar ang Central Luzon, Ilocos Region, Southern Tagalog, at Cordillera, na nagdulot ng kakulangan sa suplay at pagtaas ng presyo ng ilang gulay sa mga pamilihan.
Batay sa monitoring ng DA, umakyat sa ₱180 hanggang ₱350 kada kilo ang presyo ng cauliflower mula sa dating ₱120 hanggang ₱270, habang nasa ₱60 hanggang ₱160 kada kilo na ang repolyo mula sa dating ₱40 hanggang ₱90.
Naitala rin ang pagtaas sa presyo ng ampalaya, talong, sitaw, carrots at pechay Baguio dahil sa pinsalang idinulot ng masamang panahon sa mga taniman.
Apektado rin ang presyo ng ilang uri ng isda, kabilang ang galunggong, bangus at tilapia, bunsod ng mga epekto ng sama ng panahon sa produksyon at suplay.
Bukod sa mga pananim, nakapagtala rin ang DA ng ₱59 milyong pinsala sa irrigation facilities, ₱12 milyon sa livestock, at ₱6 milyon sa fisheries sector.
Sa kabila nito, nilinaw ng DA na hindi pa inaasahang tataas ang presyo ng bigas dahil sapat pa rin ang suplay mula sa lokal na produksyon at importasyon. Ayon kay De Mesa, karamihan sa mga palayang naapektuhan ay bahagyang nasira lamang at may posibilidad pang makarekober.
Samantala, naghahanda na ang DA ng iba’t ibang assistance at recovery loan programs upang matulungan ang mga magsasakang naapektuhan ng kalamidad habang nagpapatuloy ang pagtataya sa kabuuang pinsala sa sektor ng agrikultura.











