Bumaba ang presyo ng ilang pangunahing gulay sa Cauayan City Public Market dahil sa pagdami ng suplay ng mga produktong dumarating mula sa Cordillera Region.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Bella Martinez, isang tindera sa pamilihan, sinabi niyang bumaba ang presyo ng ilang gulay kumpara sa mga nakalipas na linggo dahil sa tuloy-tuloy na pagdating ng suplay.
Ang repolyo ay bumaba mula P70 hanggang P60 kada kilo, habang ang carrots ay mula P120 ay naging P100 kada kilo. Ang patatas naman ay bumaba mula P150 hanggang P120 kada kilo.
Bumaba rin ang presyo ng Chinese pechay mula P60 hanggang P50 kada kilo, sayote mula P80 hanggang P60 kada kilo, red chili mula P250 hanggang P200 kada kilo, kamatis mula P100 hanggang P80 kada kilo, at ampalaya mula P80 hanggang P70 kada kilo.
Ang pechay ay mabibili na rin sa P50 kada kilo mula sa dating P60, habang ang upo ay nasa P25 hanggang P30 kada kilo mula sa dating P35.
Samantala, nanatiling P80 kada kilo ang bilog na talong, P60 kada kilo ang sitaw at patola, P60 kada kilo ang okra, P50 kada kilo ang kalabasa, at P100 kada kilo ang puti at pulang sibuyas.
Hindi rin nagbago ang presyo ng bawang at luya na nasa P140 kada kilo, habang ang dahon ng ampalaya ay naglalaro sa P100 hanggang P120 kada kilo.
Dagdag niya, walang permanenteng presyo ang mga gulay dahil araw-araw itong nagbabago depende sa panahon, dami ng suplay, at kalidad ng mga produktong dumarating sa pamilihan.








