CAUAYAN CITY – Naglabas ng Memorandum Order ang Department of Education Region 2 kasabay ng pagsisimula ng Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) meet 2025 sa Lungsod ng Santiago na naglalayong pangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mga Atleta.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Benjamin Paragas, Regional Director ng DepEd Region 2, sinabi niya na nakasailalim sa Regional Memorandum No. 165 series of 2025 ang mga general ground rules na dapat sundin upang matiyak ang kapakanan ng mga delegado lalo na ngayong mainit ang panahon.
Magsisimula ang mga outdoor activities sa oras ng alas-5 hanggang alas-10 ng umaga habang ang mga indoor games ay sisimulan ng alas-tres ng hapon hanggang alas-8 ng gabi.
May mga naka-standy na mga medical officers at nakipag-ugnayan din sila sa mga pagamutan at sa ilang mga medical professionals para mas mapabuti ang kanilang medical services para sa mga atleta.
Pangunahin naman nilang tututukan ang kalagayan ng mga atleta lalo na kung paano mag-respond ang kanilang katawan sa mataas na heat index.
Samantala, mayroon aniyang ibibigay na insentibo ang bawat delegasyon sa mga atleta na nagpamalas ng magandang performance sa CAVRAA Meet katulad na lamang sa Lungsod ng Santiago na magbibigay ng 30,000 pesos sa mga Gold Medalist, 15,000 pesos sa mga Silver Medalist at 10,000 pesos sa mga Bronze Medalist.
Nilinaw naman niya na hindi pare-pareho ang halaga ng insentibo sa bawat delegasyon dahil nakadepende ito sa resources ng bawat ahensya at lokal na pamahalaan.