--Ads--

Ipinahayag ng mga mambabatas sa Kamara de Representantes na handa silang bumalik sa sesyon anumang oras kung magpapatawag ng special session si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., lalo na upang matalakay ang mga panukalang batas na hindi naaksyunan bago mag-adjourn ang Kongreso.

Ayon kay Deputy Speaker Paolo Ortega, nakahanda ang mga kongresista na ipagpatuloy ang kanilang trabaho sakaling hilingin ng Pangulo ang isang special session. Aniya, prayoridad ng Kamara ang pagtupad sa kanilang tungkulin anuman ang umiiral na mga isyung pampulitika.

Noong Hunyo 3 ay pormal na nagtapos ang unang regular na sesyon ng ika-20 Kongreso matapos itong magsine die adjournment. Nakatakdang magbalik ang sesyon sa Hulyo 27, kasabay ng pagbubukas ng ikalawang regular na sesyon at pagdaraos ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos.

Gayunman, ilang mahahalagang panukalang batas ang nanatiling nakabinbin sa Senado, kabilang ang Kalinga Bill at 26 sa 52 priority measures na itinaguyod ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

--Ads--

Sinabi ni Ortega na malaking bahagi na ng legislative agenda ang natupad ng Kamara, ngunit nananatili silang handang kumilos upang maipasa ang mga natitirang panukala kung kinakailangan.

Bukod sa mga panukalang batas, naapektuhan din umano ng sitwasyon sa Senado ang pag-apruba sa promosyon ng ilang matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kabilang ang limang heneral na nakabinbin pa sa Commission on Appointments.