--Ads--

Pinaiigting ng San Mateo Police Station ang kampanya laban sa mga wanted person bilang bahagi ng pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan at pagpigil sa kriminalidad sa bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Ericson Aniag, hepe ng San Mateo Police Station, sinabi nitong tuloy-tuloy ang kanilang manhunt operations laban sa mga indibidwal na may nakabinbing warrant of arrest.

Ayon kay PMaj. Aniag, nakikipag-ugnayan ang kanilang himpilan sa iba pang law enforcement agencies upang mapabilis ang pagtunton at pag-aresto sa mga wanted person na nagtatago sa kanilang nasasakupan at mga karatig na lugar.

Binigyang-diin niya na kabilang sa kanilang mga hakbang ang mas pinaigting na intelligence gathering at validation upang matiyak ang maayos, ligtas, at legal na pagsisilbi ng mga warrant of arrest.

--Ads--

Hinimok din ng opisyal ang publiko na makipagtulungan sa pulisya sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng mga wanted person. Tiniyak naman niya na mananatiling kumpidensyal ang pagkakakilanlan ng mga impormante.

Umaasa ang San Mateo Police Station na sa pamamagitan ng patuloy na kampanyang ito ay mas marami pang mga wanted person ang maaresto at mapanagot sa batas, na makatutulong sa pagpapanatili ng seguridad at kaayusan sa bayan.