--Ads--

Hiniling ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) na ibasura ang tatlong kasong grave threats na isinampa laban sa kanya.

Kinumpirma ng abogado ni Duterte na si Atty. Paul Lim ang paghahain ng motion to quash, na nakabatay umano sa kawalan ng hurisdiksiyon ng korte sa naturang mga kaso.

Gayunman, tumanggi si Lim na magbigay ng karagdagang detalye dahil nakabinbin na sa korte ang usapin.

Samantala, kinumpirma ni Prosecutor General Richard Fadullon nitong Huwebes, Agosto 13, na nakatanggap ang Department of Justice (DOJ) noong Miyerkoles ng abiso hinggil sa kautusan ng korte na nag-uutos sa prosecution panel na magsumite ng tugon sa mosyon.

--Ads--

Ayon kay Fadullon, hinihintay pa nila ang pormal na order mula sa RTC bago maghain ng kanilang komento.

Noong Martes, pormal na isinampa sa Quezon City RTC ang tatlong bilang ng kasong grave threats laban kay Duterte.

May kaugnayan ang mga kaso sa umano’y banta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Nag-ugat ang reklamo sa naging pahayag ni Duterte sa isang online press conference noong Nobyembre 2024 kung saan sinabi niyang may nakausap na siyang tao na papatay umano kina Marcos, Araneta-Marcos, at Romualdez sakaling siya ay mapatay.